Pangako
Naaalala ko ang umagang iyon
Gumising ng maaga upang makipagulayaw sa’yo
Bitbit sa aking damdamin lahat ng hinanakit
Ang tangi lamang nais ay maintindihan mo
Kung bakit hanggang sa ngayon,
Kay hirap kong magtiwala sa’yo.
Tinanong mo ako, “Hindi pa ba sapat ang pag-ibig ko?”
Ang sabi ko lamang, “Oo lubos ko etong nararamdaman
Pero iba pa rin kung meron akong katuwang.”
Nang gabing iyon ako’y tinawag mo,
Niyaya mo akong makipag-usap sayo.
Iyong pinaalala ang mga nagdaang taon
Mga alaalang naipon at umusbong
Dito sa ating tagpuan ngayon.
Oo nga no, madami na tayong pinagsamahan.
Matagal na pala tayong magkakilala.
Kilala na kita at alam mo din marahil
Kung sino ako talaga.
Kaya nga nang ako’y tanungin, “Gusto mo ba siya talaga?”
Di ko maikaila sa’yo ang aking nadarama.
Magkahalong tuwa at takot na aking sinagot,
“Oo, masaya ako kapag kasama ko siya.”
Ramdam ko ang iyong kasiyahan nang ito’y aking aminin,
At di mo napigilang ako’y tanungin, “Bakit hindi mo siya hingin sa akin?”
Batid ko ang iyong pananabik na ako’y pagbigyan.
Subali’t ang nais mo’y, ito’y manggaling sa akin.
“Gusto mo ba siya ?” tanong mo ulit.
“Masaya ka ba sa kanya?”
“Kung ganun, ano pang hinihintay mo?
Bakit ayaw mo pa siyang hingin sa akin?”
“Hindi ba’t ang pangako ko sayo’y, ibibigay ko ang anuman ang naisin mo
Hanggat ang hiling mo ay siyang tunay na gusto mo.
Kung gusto mo siya talaga, bakit hindi mo siya hingin sa akin?”
Ano pa nga ba ang pwedeng gawin sa ganitong imbitasyon?
Kundi ang sumang-ayon at hingin ito sa kanya.
“Sige Panginoon, hihingin ko na —
Ang nais ko’y magsilbi sa iyo na kasama siya.”
Uncategorized |Leave a Reply