Tatlong Linggo
Tatlong linggo na ang nakakalipas magmula nang bitiwan mo ang iyong pangako. Tatlong linggo na ring walang patid ang pagluha dahil sa magkahalong tuwa at pag-aalinlangan sa regalong ibig isakatuparan.
Sa loob ng tatlong linggong ito tunay kang naging matapat at hindi ako hinayaang mawalan ng tiwala sa iyo. Ilang beses mo nga ba akong binigyan ng mumunting paalala lalu na sa oras na parang gusto ko nang bitawan ang pinakaaasam? Bagkus, pilit mo pa nga itong pinapahawakan sa akin ng mahigpit.
Kanina, muntik na. Muntik ko na talagang tuluyang pakawalan ang dasal na maingat na tangan-tangan.
Mahirap pala. Mahirap palang maghintay sa oras na itinakda mo. Ramdam ko na pagod na akong maghintay sa oras na iyon.
Ang nais ko sana’y ngayon na. Ngayon mo na ibigay. Ang pakiwari ko, di ko na kayang tumagal ng isa pang araw, isa pang linggo, isa pang taon para lamang hintayin ang oras kung kailan matutupad ang pangakong iyon.
Handa na ako na pakawalan ito kapalit ang sa tingin ko’y katahimikan at kapanatagan na naging mailap sa akin nitong mga nagdaang linggo.
Tatlong linggo na akong puyat, tatlong linggo na akong laging nag-iisip kung kailan, kung papaano mangyayari ang lahat.Nakakasawa na. Nakakapagod na. Nakakapanghinang talaga.
Ang sabi ko sa iyo, “Kung hindi ngayon, ‘wag na lang.” Mahirap man itong sambitin sa iyo, para sa akin ito lamang ang tanging alam ko para matapos na ang hirap ng kalooban na pinagdadaanan.“Kung hindi ngayon, hihingin ko na lang sa iyo Panginoon na baguhin mo na lamang ang aking pakiramdam. Ibalik ninyo na lang sa dati ang lahat.”
Handa na akong harapin ang panibagong bukas.Handa na akong tangapin na ako ang umayaw. Subalit, muli’t-muli, walang sawa ka, Panginoon. Walang pagod mo akong pinagbibigyan.
“Iyon lamang ba ang gusto mo?” ang tanging tugon mo. At sa isang iglap, napawi ang lungkot ko, napawi ang agam-agam at napalitan ito ng tuwa at mas pinaigting na pagtitiwala sa iyo.
Tunay nga, Panginoon…tunay ka ngang matapat sa iyong pangako. Tatlong linggo na nga ang nakakalipas pero hanggang ngayon, ito pa rin ang tangi mong paalala sa akin: “Kumapit ka lang at huwag na huwag kang bibitaw.”
Uncategorized |Leave a Reply